“Kung kaya nang itaas ang cash grant, huwag na nating patagalin pa.”
Ito ang panawagan ni AGRI Party-list Rep. Wilbert Lee sa mga kapwa mambabatas; Phil. Institute for Development Studies (PIDS) at DSWD bilang lead agency ng National Advisory Council na siyang nag-aaral para sa cash grant ng mga 4Ps beneficiaries.
Ayon kay Lee, aabutin pa ng taong 2025 bago maramdaman ng 4Ps beneficiaries ang dagdag na tulong kung hihintayin pang maisabatas ang panukala para dito.
Hinimok ng AGRI Party-list ang DSWD na i-rekomenda na ang pagpapabilis ng proseso para madagdagan na agad ang suportang ibinibigay ng programa.
Sa Section 7, ng Republic Act 11310 o ang 4Ps Act, ang National Advisory Council ang magde-determina kung magkanong cash grant ang ibibigay sa mga benepisyaryo.
Sa report ng PIDS sa Kamara, inirekominda nitong itaas ang health grant mula P750 to P906 per month per household; 300 to 362 educational allowance per child enrolled sa day care; 500 to 604 per month sa bawat enrolled sa junior high school; at 700 to 846 sa senior high school.
Ito ayon kay Lee ay matibay ng basehan para dagdagan ang tulong na binibigay ng pamahalaan sa sektor ng pinaka mahihirap na pamilya sa bansa.
Hindi umano biro ang ulat na 76.6% ng pamilyang pinoy ay “food insecure” o apat sa bawat limang Pilipino ay may agam-agam kung saan sila kukuha ng kakainin. —sa ulat ni Ed Sarto, DZME News