Mamadaliin ng binuong Select Oversight Committee ng Senado ang pagsusuri sa paggastos ng confidential and intelligence fund.
Ayon kay Senate President Juan Miguel Zubiri, target nilang tapusin ang pagsusuri bago pa mailatag sa plenaryo ang 2024 proposed National Budget.
Sa tantya ni Zubiri, sa Nobyembre ay matatapos na nila ang pagsusuri upang matukoy kung nararapat na ibigay o kailangang bawasan o alisin ang hinihiling na confidential at intelligence fund ng mga ahensya.
Kahapon ay sinimulan na ng special committee ang pagsusuri sa isinumiteng report ng may 27 o 28 ahensya ng gobyerno na mayroong confidential at intelligence fund para sa taong 2022 at 2023.
Posible anyang ipatawag nila sa executive session ang mga opisyal ng ahensyang sa tingin nila ay malabo ang report kaugnay sa paggugol ng confidential at intelligence fund.
Muling magpupulong ang kumite sa susunod na Linggo upang ipagpatuloy ang pagbusisi sa mga report na isinumite ng mga ahensya ng gobyerno. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News