Nababahala ang Moro Islamic Liberation Front sa sinasabing pagtutulak ng panibagong pagpapaliban ng eleksyon sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Ito ang inihayag ni Sen. Imee Marcos makaraang iharap sa mga mamamahayag sa Senado si MILF Vice Chairman Mohagher Iqbal na nagsabing nais na ng mga residente ng BARMM at mga kasapi ng MILF na matuloy ang kauna-unahang parliamentary elections sa rehiyon na nakatakda sa Oktubre.
Sinabi ni Iqbal na umaasa silang pakikinggan sila ng Malakanyang at ng Kongreso bilang 17 taon na silang ka-partner ng gobyerno sa pagsusulong ng kapayapaan sa Muslim Mindanao.
Sinabi naman ni Marcos na pangunahing ikinababahala ng MILF na ipagpapaliban ang BARMM Elections dahil sa nakatakdang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa Disyembre.
Iginiit ng senadora na kung may dapat ipagpaliban ay ang Barangay at Sangguniang Kabataan elections dahil pagsapit ng Disyembre, higit dalawang taon pa lamang ang panunungkulan ng mga nakaupo ngayon.
Sa panukala aniya na inaprubahan ng Senado, isasagawa ang Barangay at SK Elections sa 2027 at muli itong idaraos kada apat na taon.
Gayunman sa naging pagpupulong sa Legislative Executive Development Advisory Council, nais ipagpatuloy ang Barangay at SK Elections sa Disyembre.