![]()
Iginiit ni Senate Committee on Finance Chairman Sherwin Gatchalian na dapt i-adjust ang schedue ng pagsisimula ng pagtalakay ng panukalang pambansang pondo sa mga susunod na taon.
Ipinaliwanag ni Gatchalian na sa bagong transparency initiatives na ipinatupad sa budget process ay hindi na maaari ang dating schedule ng pagtalakay ng dalawang kapulungan ng Kongreso.
Sinabi ng senador na ngayong taon ay sadyang ginahol sila ng panahon sa pagtalakay sa panukalang budget dahil sa mga ipinatupad nilang mga pagbabago sa budget process.
Kung ihahambing kasi aniya sa mga nakaraang taon, kadalasan ay sa ikalawang linggo ng Disyembre ay nararatipikahan na ang budget bill kaya napipirmahan ang GAA bago matapos ang taon.
Kaya naman, sinabi ni Gatchalian na kung susundin pa rin ang lumang schedule ay may banta talaga na magkaroon ang bansa ng reenacted budget.
Ang mas makatotohanan anya ay sa pagtatapos ng SONA ay masimulan agad ang mga pagdinig sa budget ng bawat ahensya ng pamahalaan.
Balak ni Gatchalian na kausapin ang Department of Budget and Management upang ilatag na dapat palaging tiyaking kumpleto ang detalye ng isusumiteng National Expenditure Program sa Kongreso.
