Suportado ni Senador Francis ‘Tol’ Tolentino ang panukalang bumalik na sa old school calendar dahil sa matinding init ng panahon.
Sinabi ni Tolentino na kung magpapatuloy din sa summer ng susunod na taon ang ganitong heat index, nangangailangan na ng adjustments sa pasok ng mga bata lalo’t kung hindi na kakayanin ng mga estudyante at guro ang init.
Sa kabila ito ng naging pahayag ni Department of Science and Technology (DOST) Secretary Ricardo Solidum na hindi pa nila makumpirma ang magiging Heat Index Temperature (HIT) sa mga susunod na panahon.
Ito ay dahil sa nagbabadyang transition ng El Niño patungong La Niña conditions na maaari aniyang magersulta sa mas malamig na panahon.
Pinabigyang linaw din ni Tolentino sa DOST ang kaibahan ng heat wave at heat index sa paggiit na sa ibang bansa heat wave ang kinikikilala.
Ipinaliwang ni Solidum na hindi ginagamit sa Pilipinas ang heat wave dahil idinedeklara lamang ito kapag nakapagtala ng sunud-sunod na pagtaas ng temperatura sa loob ng tatlo hanggang limang araw.
Samantala, binigyang-diin ni Tolentino ang kahalagahan pa rin ng parental discretion sa pagpasok ng mga estudyante sa panahon ng matining init.
Kasabay nito, iginiit ng senador na mahalaga ring magbigay ng alternative learning solutions ang mga educational institutions.