Dinipensahan ni Senate Minority Leader Koko Pimentel ang paglalabas ng Senate Committee on Women ng detalye ng accounts ni suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
Sinabi ni Pimentel, bago naman talakayin ang mga sensitibong dokumento sa publiko ay ipinapaliwanag muna ni Sen. Risa Hontiveros ang ligal na basehan kung bakit maaaring gawin ito.
Una nang kinuwestyon ng kampo ni Guo ang paglalabas ng mga detalye ng accounts ng suspendidong alkalde dahil paglabag anila ito sa data privacy law.
Iginiit naman ni Sen. Sherwin Gatchalian na may mga kasong naihain na laban sa alkalde partikular ang Anti-money laundering case sa korte kaya bahagi na ito ng record ng publiko.
Aminado naman si Pimentel na isang abogado na may reservation siya pagdating sa pagsasapubliko ng SALN, income tax returns (ITR) at bank account at kung may kasong inihain dito ang kampo ni Guo ay welcome para sa kanya upang magabayan ng korte ang Senado.
Pero, iginiit pa ng senador na hindi dapat gawing katwiran ni Guo na may petisyon sila sa korte kaya hindi na dadalo sa pagdinig at marapat na humarap na ang mayor sa mataas na kapulungan.