dzme1530.ph

Pagsasapribado sa NAIA, ikinabahala ng mga mangagawa sa paliparan

Nangangamba ang mga regular employee ng Manila International Airport Authority (MIAA) sa magiging kalagayan nila sa hinaharap sa oras na maisapribado na ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Sa panayam kay Andy Bercasio, Presidente ng Samahan ng Manggagawa ng Paliparan sa Pilipinas (SMPP), wala pang katiyakan kung sila ay maa-absorb o mawawalan ng trabaho sakaling isapribado na ang NAIA Terminals.

Binigyan diin ni Bercasio na hindi privatization ang sagot para tugunan ang problema sa NAIA.

Ipinunto pa ng grupo na hindi kailanman tutol ang SMPP sa modernisasyon ng paliparan dahil ang dekalidad na serbisyo sa transportasyon sa bansa ang pangunahing tungkulin ng gobyerno at dapat maibigay ang magandang serbisyo sa mga pasahero.

Dahil dito nanawagan sila sa pamahalaan na tugunan ang kanilang mga hinaing at pag-aaralan mabuti ang nakaambang privatization sa NAIA.

Matatandaan una nang ipinangako ng Department of Transportation na hindi maaapektuhan ang mga empleyado ng MIAA kung sakaling maisapribado na ang paliparan pero sa kabila nito ay may pangamba pa rin ang grupo.

Nagpahayag din ng kagustuhan ang grupo na mabigyan sila ng kopya ng terms of reference kung saan nakasaad ang magiging kalagayan ng empleyado at consensus of agreement na obligado ang private company na mag alok sa kanila ng compensation package. –sa ulat ni Tony Gildo, DZME News

About The Author