Itinuturing ni Sen. Sherwin Gatchalian na malaking tagumpay sa kampanya kontra sa mga ilegal na POGO ang pagsampa ng 62 counts ng kasong money laundering laban kay Alice Guo.
Ayon sa senador, ang pagsasakdal kay Guo ay makabuluhang hakbang upang hadlangan ang patuloy na pag-agos ng iligal na pera na ginagamit sa pagpapatakbo ng mga POGO.
Matagal nang nananawagan si Gatchalian sa total ban sa POGOs sa bansa dahil sa mga isyung kaugnay nito tulad ng krimen, katiwalian, at paglabag sa mga batas ng Pilipinas.
Ang kaso laban kay Guo ay nakikita aniyang simbolo ng mas pinaigting na kampanya laban sa mga nasa likod ng ilegal na operasyon ng mga dayuhang kumpanya.
Kasabay nito, hinimok niya ang mga prosecutor na palakasin pa ang mga kaso at hindi lamang si Guo ang dapat managot kundi ang lahat ng mga nasa likod ng POGO.
Ang pagkilos aniyang ito ay isa sa mga pinakahuling hakbang ng pamahalaan upang linisin ang sektor ng gaming at matigil ang mga krimeng kaakibat nito.