dzme1530.ph

Pagsasampa ng kaso laban sa mga sangkot sa katiwalian, magandang Christmas gift sa publiko —Sen. Aquino

Loading

Naniniwala si Sen. Bam Aquino na magiging magandang Christmas gift para sa taumbayan kung may makakasuhan at makukulong sa mga sangkot sa flood control projects anomalies.

Kasabay nito, tiniyak ng senador na hindi siya titigil sa pagsusulong ng pagpapatuloy ng imbestigasyon hinggil sa mga anomalya sa nasabing proyekto.

Giit ni Aquino, bukod sa pagsasampa ng kaso laban sa mga sangkot, dapat ding tiyakin ng gobyerno ang pagbawi ng mga pondong nawaldas at ang pagpapatupad ng mga sistematikong reporma upang tuluyang mawala ang katiwalian sa sistema ng budget.

Ikinuwento pa ni Aquino na habang nasa Naga City, may isang airport shuttle bus driver na lumapit sa kaniya at hiniling na ipagpatuloy ang imbestigasyon sa anomalous flood control projects.

Sinabi ni Aquino na nasa kamay na ngayon ng gobyerno ang bola, at dapat itong kumilos batay sa mga ebidensiyang iniharap at panagutin ang mga nasa likod ng mga anomalya.

Isinusulong din ng senador ang pagpasa ng kanyang Senate Bill No. 1330 o ang Philippine National Budget Blockchain Act, na inilarawan nito bilang isang makapangyarihang kasangkapan laban sa korapsyon sa pamamahala at paggamit ng pambansang budget.

Layunin ng panukala ni Aquino na ilagay sa blockchain ang pambansang budget upang mapalakas ang transparency at accountability, at bigyang-daan ang mga mamamayan na makita kung saan napupunta at paano ginagamit ang kanilang mga pinaghirapang buwis.

About The Author