Pag-aaralan pa ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang pagsasampa ng kaso laban sa 18 police generals at colonels na tinanggap na ng Pangulo ang courtesy resignations kaugnay ng alegasyong pagkakadawit sa kalakalan ng iligal na droga.
Sa chance interview sa Villamor Airbase sa Pasay City, inihayag ni Interior Sec. Benhur Abalos na titingnan nila kung maaaring sampahan ng kaso ang police officials kabilang ang 3 brig. generals at 15 koronel.
Sa kabila nito, nilinaw ni Abalos na hindi pa maituturing na opisyal ang resignation ng 18 police officials, hangga’t wala pang official communication o official letter mula sa pangulo na magsasabing tinanggap na ang kanilang pagbibitiw.
Sinabi ng DILG Chief na naging berbal lamang ang anunsyo ng Pangulo sa kanyang ikalawang State of the Nation Address kaugnay ng pagtanggap sa courtesy resignations ng mga nasabing pulis.
Matatandaang ini-rekomenda ng ad hoc advisory group ng National Police Commission ang pagtanggap sa courtesy resignation ng 18 pinangalanang third-level PNP officers. —sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News