dzme1530.ph

Pagsasabatas ng Maritime Zone Bill, pinamamadali sa Senado

Hiniling ni Senador Francis Tolentino sa mga kasamahan sa Senado na madaliin na ang pagtalakay at pagpasa ng Maritime Zone Bill.

Sa gitna ito ng paglalabas ng bagong 10-dash line map ng China kung saan makikita na bukod sa bahagi ng West Philippine Sea ay sinakop na rin ng China ang Batanes hanggang Taiwan Strait.

Hiniling ni Tolentino sa mga kasamahan na unahing ipasa ang Maritime Zone Bill upang mas mapagtibay ang sakop na teritoryo ng bansa.

Binigyang-diin ng mambabatas na mahalaga ang pagsasabatas sa Maritime Zone Bill para malinaw na maipakita ang hangganan ng sakop na karagatan ng Pilipinas.

Bukod sa exclusive economic zone ay makikita dito ang continental shelf ng bansa gayundin ang shipping lines kung hanggang saan lang maaring dumaan ang mga foreign ships.

Ang Senate Special Committee on Philippine Maritime and Admiralty Zones na pinamumunuan ni Tolentino ang didinig sa nasabing panukala.

Samantala, iminungkahi rin ng senador ang pagkakaroon na ng joint maritime patrol ng Japan, Amerika, Australia at Pilipinas para mabawasan ang pagiging agresibo at patuloy na pambubully ng China sa ating sakop na teritoryo partikular sa West Philippine Sea. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author