Itinuturing ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na malungkot na araw ang paglagda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Maharlika Investment Fund Act na anya’y maglalagay sa bansa sa alanganin.
Tinawag din nitong madness o kabaliwan ang pagsasabatas nito dahil minadali ang pagbalakas ng Maharlika Investment Fund na posibleng maging monster dahil nakadisenyo itong maging super-GOCC.
Muli ring iginiit ni Pimentel na walang surplus ang bansa o jackpot windfall profit na magagamit sa pagpondo dito.
At dahil manggagaling sa mga kasalukuyang funds ang ilalagak sa MIF, guguluhin lamang aniya nito ang kasalukuyang sistema.
Inilatag din ni Pimentel ang mga grounds na maaaring gamitin sa paghahain ng petisyon sa Korte Suprema laban sa batas.
Kabilang dito ang depektibong Presidential Certification, kawalan ng Economic Viability, hindi makatarungang delegasyon ng Legislative Power, paglabag sa Substantive Due Process, paglabag sa BSP Independence at ang nilagdaang batas ay hindi ang bersyong ipinasa ng Kongreso.
Sa huli, sinabi ni Pimentel na ang MIF ay bad idea, bad decision, at bad act. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News