Napapanahon na ang pagsasabatas ng Magna Carta of Filipino Seafarers upang mabigyang proteksyon ang mga Pilipinong Marino.
Ito ang sinabi ni Senador Jinggoy Estrada kasunod ng banta ng European Union na ipagbabawal nila ang pagkuha ng mga marinong Pilipino hangga’t hindi sumusunod ang Pilipinas sa kanilang pamantayan.
Sinabi ni Estrada na ang kanyang Senate Bill No. 2221 ang magbibigay proteksyon at magtataguyod sa mga karapatan ng mga Pilipinong seafarers.
Iginiit ng senator na sa pagsasabatas ng panukala ay maiiwasan ang mga problema at lalo pang maiaangat ang kalidad ng serbisyo ng mga marino na batayan ng respeto, paghanga at mataas na demand para sa kanila sa international maritime industry.
Una nang nagbabala EU na ipagbawal ang pagsampa ng mga Pilipinong seafarer kabilang na ang mga nasa 50,000 na marinong Pilipino na kasalukuyang naka-deploy sa rehiyon dahil bigo umano ang bansa mula pa noong 2006 na makapasa sa pagsusuri ng European Maritime Safety Agency.
Sa warning ng EU, binigyang-diin ang kahinaan sa pagsasanay at edukasyon ng mga Pilipinong marino.
Nakasaad sa panukala ang pagtatag ng One-Stop-Shop Centers for Seafarers (OSSCS) sa mga pangunahing pantalan para mapabilis at mapagaan ang pagproseso ng mga documentary requirements ng seafarers. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News