dzme1530.ph

Pagsasaayos sa Bicol River Basin Development Program, pinasisimulan na ng Pangulo pagpasok ng 2025

Pinasisimulan na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagsasaayos sa Bicol River Basin Development Program pagpasok ng 2025.

Sa kanyang talumpati sa pamamahagi ng ayuda sa mga magsasaka at mangingisda sa Pili Camarines Sur, ibinahagi ng Pangulo na binigyan na ng direktiba ang bawat ahensya na bumuo ng mga istratehiya upang maiwasan ang malawakan at matinding mga pagbaha sa harap ng nagbabagong panahon.

Kaugnay dito, inatasan ang Dep’t of Public Works and Highways na pag-aralan ang Bicol River Basin Development Program, at sa kasalukuyan ay inaayos na umano ang detailed engineering design upang masimulan na ang proyekto sa susunod na taon.

Inatasan din ang DPWH katuwang ang Dep’t of Environment and Natural Resources at Dep’t of the Interior and Local Gov’t, na makipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan para sa integrated at future-proof na mga plano at proyekto para sa Bicol River Basin.

Ipinatitiyak din ang matitibay na imprastraktura na napag-aralang mabuti, habang ipinasisiguro sa Dep’t of Budget and Management ang tuloy-tuloy na pagtugon sa pamamagitan ng quick response fund, lalo na’t may bago na namang bagyo.

Iginiit ni Marcos na dapat gumawa ng masusi at maagap na solusyon sa harap ng nararanasang epekto ng climate change. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News

About The Author