Nagdulot ng kaunting pinsala sa Check-in area ng Passenger Terminal Building, partikular sa Check-in counter ang naganap na pagsabog humigit-kumulang 2 kilometro ang layo mula sa Zamboanga International Airport kahapon ng hapon.
Ayon kay Civil Aviation Authority of the Philippines spokesperson Eric Apolonio, walang pasaherong naapektuhan at wala ring naitalang delayed flight.
Pagkatapos ng masusing inspeksyon, nagpatuloy ang normal na operasyon sa paliparan.
Batay sa inisyal report ng Philippine National Police, bandang 5:35 ng hapon nang mag-dispose ng mga nakumpiskang paputok ang pinagsamang team mula sa Regional Explosive and Canine Unit 9, Philippine Marines, Bureau of Fire Protection, at Philippine Coast Guard.
Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng PNP upang matukoy ang buong detalye ng insidente.