Ipagbabawal na sa Maynila ang pagsabit sa estribo ng mga pampasaherong Jeep at iba pang Public Utility Vehicles (PUVs).
Sa City Ordinance 9003 o Bawal-sabit on Public Utility Vehicle Ordinance na inihain ni Manila First District Councilor Martin “Marjun” Isidro, Jr., ipagbabawal sa buong Lungsod ng Maynila ang pagsabit sa mga PUVs at huhulihin din ang mga driver na magsasakay ng lagpas sa seating capacity nito.
Ipagbabawal din ang peligrosong pagkapit ng mga nakabisikleta o rollerblades sa mga Jeepney.
Sa sandaling maging ordinansa, papatawan ng 500 pisong multa ang mga lalabag na driver, konduktor, at pasahero sa unang paglabag; habang ₱1,500 sa ikalawang paglabag; ₱3,000 piso para sa ikatlong paglabag at posibleng makulong ng hindi lalagpas sa isang buwan.