dzme1530.ph

Pagreview sa Free College Education Act, napapanahon na  

Pabor din si Senate Committee on Basic Education Chairman Sherwin Gatchalian sa pagreview sa Republic Act 10931 o ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act o ang free higher education law.  

Sinabi ni Gatchalian na simula nang ipinatupad ang batas ay tumaas ang bilang ng basic education students na nagtutuloy sa kolehiyo.  

Mula 2018 hanggang 2022, umabot sa 81% ang progression rate mula senior high school patungong college.  

Sa mga Academic Years 2013-2014 at 2014-2015, o bago ang implementasyon ng Free Higher Education Law, ang progression rates mula high school patungong college ay nasa 54% at 62% lamang.  

Patunay anya ito na nakamit ng free higher education law ang layunin nito na iangat ang youth participation sa higher education.  

Subalit katulad anya ibang batas, dapat ding sumalang sa review ang implementasyon ng free higher education law. 

Gayunman, maituturing nang redundant ang pagsasagawa pa ng national screening test upang matukoy ang eligibility ng mga estudyante para sa libreng tuition dahil ang mga state and local universities and colleges ay may sarili nang admission exams.  

Ipinaalala ng senador na ang basic education students ay sumasailalim na rin sa multitude of assessments, kabilang ang National Admission Test (NAT), Early Language, Literacy and Numeracy Assessment (ELLNA), Philippine Informal Reading Inventory (Phil-IRI), at Basic Education Exit Assessment (BEEA).  

Subalit kailangan anya ngayon ay palawakin ang kapasidad ng mga public colleges at universities upang maging sapat ang classrooms, facilities, laboratories, at teachers. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News 

About The Author