Hindi patas na puwersahin ang mga Pinoy nursing graduate na manatili sa bansa sa loob ng itinakdang panahon bago makapag-abroad.
Ito ang inihayag ni Komunidad ng Pamilya, Pasyente, at Persons with Disabilities (P3PWD) party-list Nominee Rowena Guanzon sa kabila nang kawalan ng trabahong may magandang sahod sa Pilipinas.
Nabatid na ang pangingibang-bansa ng mga Pilipinong nars ay isang perennial concern o pangmatagalang alalahanin ng pamahalaan.
Batay sa report mula January hanggang March 2023, nasa 11, 013 nursing graduates mula sa Pilipinas ang kumuha ng licensure examination sa US sa unang pagkakataon.
Dahil diyan, iminumungkahi ng ilang mambabatas na i-require ang mga ito na magtrabaho sa bansa sa loob ng ilang taon bago payagang mag-apply para sa job opening sa abroad. —sa panulat ni Airiam Sancho