Pinuna ni Sen. Rodante Marcoleta ang tila pagpupuntirya sa mga e-wallet companies kaugnay sa utos na alisin ang link ng online gambling sa kanilang mga app.
Sinabi ni Marcoleta na tila sa maling direksyon patungo ang mga desisyon ng gobyerno dahil maling mga kumpanya ang pinupuntirya.
Ayon kay Marcoleta, tila digital apps ang nagiging sentro ng desisyon ng gobyerno gayung ang ugat ng problema ay ang umano’y kakulangan sa regulasyon ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
Idinagdag pa niya na hindi ang digital apps ang dapat targetin kung hindi ang mismong mga online gambling operators na may lisensya mula sa PAGCOR.
Sa pagdinig sa Senado, iminungkahi ng mga senador na dapat maglabas ng kautusan ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) upang pansamantalang itigil ang anumang koneksyon ng digital apps sa mga online gambling sites.
Sinabi naman ni BSP Deputy Gov. Mamerto Tangonan na inaprubahan na ng Monetary Board ang isang polisiya na nag-aatas sa mga bangkong nasa ilalim ng direktang superbisyon ng BSP na alisin ang mga icon at link na nagdadala sa users sa mga online gambling platforms.
Ngunit iginiit ni Marcoleta na ang hakbang na ito ay pansamantala lamang at hindi sapat, lalo na kung bigo naman ang PAGCOR na gampanan ang tungkulin nito bilang pangunahing regulator ng mga online gambling operators.
Binigyang-diin niya na ang kakulangan sa tiwala sa regulasyon ng ahensya ang isa sa mga dahilan kung bakit dapat pag-isipang mabuti ang pagpapatupad ng total ban sa lahat ng uri ng online gambling mapa-legal man o ilegal.
Hinimok ni Marcoleta si PAGCOR Chair Alejandro Tengco na magsumite ng kumpletong listahan ng mga lisensyadong operator sa ilalim ng kanilang ahensya.
Sa kabila ng panawagan para sa mas malawak na pagbabawal, binuksan ni Marcoleta ang usapin kung sino-sino talaga ang nasa likod ng mga online gambling platforms na ayon sa kanya ay maaaring maging dahilan upang mapunto nito ang mas malalim na ugat ng naturang isyu.
Bagama’t kinilala niya ang partisipasyon ng mga digital apps dahil sila ang nagpo-proseso ng mga bayad, iginiit ng senador na limitado ang papel ng mga ito at mayroong mahigpit na compliance protocols.