Muling nagsagawa ng National Joint Peace and Security Coordinating Center (JPSCC) meeting, ang Philippine Coast Guard (PCG), Armed Forces of the Philippines (AFP), at Philippine National Police (PNP) kaugnay sa mga hamon sa pambansang seguridad ng bansa.
Pangunahing paksa, ang pagpapalakas ng pakikipagtulungan sa pagitan ng tatlong pangunahing ahensya ng gobyerno para mas mahusay na matugunan ang mga lumalaking banta sa Pilipinas.
Ito ay alinsunod sa adhikain ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na magkaroon ng mas maayos at magkakaugnay na tugon sa mga isyung kinahaharap ng bansa sa ngayon.
Naganap ang ika-apat na pulong ng JPSCC sa punong tanggapan ng AFP sa Camp Aguinaldo, Quezon City noong Hunyo 18, 2025.
Pinangunahan ito ng mga pinuno ng tatlong ahensya: Admiral Ronnie Gil L. Gavan (PCG), General Romeo Brawner Jr. (AFP), at Police General Nicolas Torre III (PNP) .
Sa naturang pulong sinuri rin ang mga nagawa at pag-unlad ng mga National JPSCC cells.
Nilagdaan din ang mga mahahalagang dokumento, kung saan ipinapakita ang pagkakaisa at pangako ng tatlong ahensya na magtulungan.
Binigyang-diin ng mga opisyal ang kahalagahan ng patuloy na pakikipagtulungan sa pagpapanatili ng kapayapaan, katatagan, at kaligtasan ng publiko, pagprotekta, soberanya at integridad ng teritoryo, at sa mga hangganan ng bansa laban sa mga panlabas na banta.