dzme1530.ph

Pagpopondo sa mga programang pang-ekonomiya, tiniyak na susuportahan

Nangako si Senador Mark Villar ng suporta sa pagpopondo sa mga programa na makatutulong sa paglago ng ekonomiya upang magtuloy-tuloy na ang pagbangon ng bansa mula sa pandemya.

Sa hearing sa panukalang P7.9-B 2024 budget ng Department of Trade and Industry (DTI), iginiit ni Villar na upang mapanatili ang paglago ng ekonomiya ay kailangang simulan ang pagpopondo sa mga pangunahinng programa ng gobyerno na makatutulong sa mga Pilipino.

Sa gitna ito ng pagpuna ng senador sa pagbaba ng alokasyon para sa consumer protection, consumer education and advocacy programs ng ahensya kahit na kabilang ito sa priority sectors para sa development agenda sa susunod na taon.

Nabatid na ang orihinal na hinihinging budget ng ahensya para sa susunod na taon ay P21-B subalit P7.9-B lamang ang inaprubahan ng Department of Budget and Management (DBM).

Ayon kay DTI Secretary Alfredo Pascual, maraming bagong mandato ang naiatang sa kanilang balikat partikular ang pagpapatupad ng mga bagong batas na may kinalaman sa consumer protection tulad ng Vape Law kaya’t humihingi sila ng dagdag na pondo sa mga iba’t ibang programa.

Pinasusumite naman ng kumite ang detalye ng mga programang hindi napondohan upang kanilang pag-aralan at mapagsikapang mabigyan ng alokasyon. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author