Ipinaalala ni Senador Sherwin Gatchalian na hindi garahe ng Amerika ang Pilipinas na kahit anong oras ay papapasukin ang kanilang military aircraft.
Ang reaksyon ni Gatchalian ay kaugnay na rin sa paglabas pasok sa bansa ng US military planes.
Ipinaliwanag ng senador na bagamat may ongoing military exercises sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos, kailangang ipakita pa rin ng US ang pagrespeto sa ating proseso at hindi dapat gawing parang garahe ang bansa na anumang oras ay pwede silang pumasok at lumabas nang walang paalam.
Aminado ang senador na nabahala rin siya nang malaman sa balita na ilang US military plane ang nag-landing at nagpark sa NAIA kamakailan na isa anyang safety issue lalo’t walang dedicated airport para sa militar at halos lahat ng paliparan ay puro sibilyan ang aktibidad.
Bawal aniya ang ginawa ng Estados Unidos na walang maayos na koordinasyon nang pumasok sa bansa dahil kahit saang lugar bago lumipad ang isang eroplano ay ipinaaalam muna kung saan ang destinasyon nito at kung anong oras lalapag at saan magpa-park.
Sang-ayon din si Gatchalian sa naunang pahayag ni Senator Imee Marcos na kung gaano tayo kaalerto sa mga barko ng China ay dapat maging mapagbantay din ang gobyerno sa mga foreign air assets na pumapasok sa bansa. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News