dzme1530.ph

Pagpapauwi sa convicted surrogate Filipina mothers sa Cambodia, hihilingin ng pamahalaan

Nakikipag-ugnayan ang pamahalaan ng Pilipinas sa Cambodian government para maiuwi sa bansa, hindi lamang ang 13 nagdadalang-taong Pilipina na convicted sa trafficking, kundi pati ang kanilang mga isisilang na sanggol.

Noong Lunes ay sinentensyahan ng Cambodian Court ang 13 Pinay na nagbuntis sa pamamagitan ng surrogacy, ng apat na taong pagkabilanggo, matapos patawan ng guilty sa kasong paglabag sa Cambodian Human Trafficking Law.

Kabilang ang mga ito sa 24 na dayuhang kababaihan na ikinulong ng mga Pulis sa Kandal Province noong Setyembre at kinasuhan ng attempted cross-border human trafficking, ayon sa statement ng Korte.

Ayon kay Justice Usec. Nicholas Felix Ty, na isa sa mga Pinay ang nanganak na habang ang iba ay naghihintay na rin ng kanilang kabuwanan.

Sa impormasyon naman ni Foreign Affairs Usec. Eduardo De Vega, dalawa na sa mga Pinay ang nagsilang na ng kanilang mga sanggol.

Sa kabila nito ay tiniyak ni De Vega na mayroong ipinagkaloob na legal assistance sa mga Pilipina sa pamamagitan ng Philippine Embassy sa Cambodia. —sa panulat ni Lea Soriano-Rivera

About The Author