dzme1530.ph

Pagpapatupad ng bgagong pagbubuwis, hindi pa napapanahon

Naniniwala si Finance Secretary Ralph Recto na hindi napapanahon ang pagpapatupad ng mga bagong buwis sa bansa.

Sa kanyang pagharap sa Commission on Appointments, sinabi ni Recto na bagama’t malaki ang tax gap ngayon ang mas dapat gawin ay pagbutihin ng Bureau of Customs at Bureau of Internal Revenue ang pangongolekta ng buwis.

Kasabay nito, sinabi ni Recto na katulad ng kanyang pinalitan na si Finance Secretary Benjamin Diokno, hindi rin siya pabor na i-maxout o sagarin ang ating Philippine National Credit Line at mahalaga ay maibaba ang debt to GDP ratio at ang deficit ng bansa.

Subalit magkaiba anya ang paniniwala nila ni Diokno sa usapin ng Free Public College Education dahil para sa kanya ay napakahalaga nito at dapat dagdagan pa ng pondo.

Sa usapin ng Military and Uniformed Pension, kung babaguhin anya ang sistema, mas makabubuting tanging new entrants lamang ang saklawin.

Idinagdag din ni Recto na dapat na ring i-exempt sa Value Added Tax (VAT) ang mga exporter dahil sa buong mundo anya ay hindi naman talaga sila pinapatawan ng VAT dahil sila ay nakikipagkumpetensya sa buong mundo.

Binigyang-diin din ni Recto ang pangangailangan na palakasin ang kampanya laban sa mga smuggling at maisulong ang computerization sa Bureau of Customs.

Sa pagtatanong naman ni Senador Grace Poe, sinabi ni Recto na hindi kinakailangang pawang pagbubuwis ang pagkunan ng kinakailangang pondo para panggastos at sa halip ay kailangan lamang isaayos ang paggastos.

About The Author