Nais ni Senador Grace Poe na ipagpaliban ang pagpapatupad ng bagong travel rules sa gitna ng pag-alma ng maraming sektor dahil tila dagdag pabigat ito sa mga Pilipinong nais bumiyahe sa ibang bansa.
Hiniling ng chairperson ng Senate Committee on Public Services na dapat suriing mabuti ang epekto ng bagong guidelines ng IACAT na magdudulot ng inconveniences, karagdagang gastusin at legal complications sa mga pasahero.
Nangangamba rin ang mambabatas na posibleng magdulot ito ng mahabang pila sa mga paliparan.
Idinagdag ni Poe na mas makakabuti para sa concerned agencies na paigtingin ang pagsasanay sa mga tauhan partikular na ang mga immigration officers laban sa trafficking.
Binigyang-diin pa ng senadora na hindi naman kinakailangang sunugin ang buong bahay kung may hinahanap lamang na daga o hindi naman anya dapat parusahan ang buong sektor ng mga bumibiyahe kung target sawatain ay ang katiwalian sa loob ng ahensya. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News