Nanindigan ang ilang kongresista na dapat ipatawag si Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co at dating Sen. Grace Poe sa pagdinig ng House Infra Comm.
Si Poe ay chairperson ng Senate Committee on Accounts, habang si Co ay chairman ng Committee on Appropriations noong 19th Congress.
Una nang inihain ni House Senior Minority Floor Leader Edgar Erice ang mosyon para ipatawag ang dalawa hinggil sa bicam ng 2025 budget, ngunit kalaunan ay binawi niya ito.
Dahil dito, umalma si Rep. Leila de Lima na nagsabing ang mga ito lamang ang makapagsasabi kung paano naisulong ang “insertions” sa 2025 GAA.
Giit ni de Lima, huwag isipin ni Deputy Speaker Janette Garin na personalan ang usapin dahil ang tanging layunin ay transparency at accountability.
Samantala, sinabi ni Navotas Rep. Toby Tiangco na mahalaga ang pagharap ni Co bilang resource person kaya dapat ito ay manumpa bago magbigay ng salaysay.
Tinawag naman ni Davao City Rep. Isidro Ungab ang 2025 GAA bilang “most corrupt budget,” kaya suportado rin nito ang pagpapatawag kina Co at Poe.