Tiniyak ni Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs Chairperson Ronald ‘Bato’ dela Rosa na hindi makakaapekto sa kanilang magiging rekomendasyon sa Degamo killings ang pagpapatalsik ng Kamara kay Cong. Arnulfo Teves, Jr.
Ipinaliwanag ni dela Rosa na ang kanilang ilalabas na findings at rekomendasyon ay nakabatay sa mga testimonya, dokumento at ebidensyang lumitaw sa ginawa nilang public hearing ukol sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at iba pang kriminalidad sa lalawigan.
Wala anyang kaugnayan dito ang ipinataw na sanction ng Kamara laban kay Teves.
Samantala, sinabi ni Senador Chiz Escudero na naayon sa hurisdiksyon, judgement at wisdom ng Kamara ang kanilang desisyon na patalsikin na si Teves bilang kanilang miyembro.
Subalit dahil sa Inter-Chamber courtesy, ayaw nang magkomento pa ni Escudero sa merito ng kaso.
Gayunman, binigyang-diin ng senador na ito ang unang kaso ng pagpapatalsik sa isang miyembro ng Kongreso at magsisilbi itong precedent sa kapangyarihan ng kapulungan na disiplinahin o tanggalin ang sinumang miyembro na makikitaan ng mga paglabag sa batas. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News