Kinatigan ni dating PNP chief at ngayo’y Senador Ronald ‘Bato’ Dela Rosa ang hakbang ni acting PNP Drug Enforcement Group Chief, PBGen Faro Antonio Olaguera na ipasuri ang bank accounts ng mga police officers na isinasangkot sa kontrobersyal na P6.7-B drug bust.
Naniniwala si dela Rosa na maganda itong hakbangin lalo na’t nabuo na ang predicate offense sa isyu.
Subalit ipauubaya anya nila sa PNP ang pagpapasya kung dapat isapubliko ang pangalan ng mga pulis na ipinapasuri ang mga bank accounts.
Ang pag-eexamine sa bank accounts ay pangungunahan ng Anti-Money Laundering Council (AMLC).
Sinabi ni dela Rosa na maaaring isapubliko ng PNP ang pagkakakilanlan ng mga pulis kung ganap nang matukoy ang accountability ng mga ito.
Tiniyak din ng senador na sa pagbabalik ng sesyon ay muli siyang magpapatawag ng hearing kaugnay drug bust kung saan nasasangkot ang ilang mga police officer na tinangka pa umanong i-cover up. —sa ulat ni Dang Garcia