Inilatag na ng Bureau of Corrections (BuCor) ang medium at long term programs nito upang pagaanin ang dinaranas ng mga persons deprived of liberty (PDLs) sa ilang prison at penal farms sa buong bansa.
Ayon kay BUCOR Director General Gregorio Pio Catapang Jr., nangangailangan ang ahensya ng P205-B para maipatupad ang development at modernization program nito para sa taong 2023 hanggang 2028.
Kabilang dito ang konstruksyon at rehabilitasyon ng Iwahig Prison and Penal Farm sa Puerto Princesa City, Palawan; Sablayan Prison and Penal Farm sa Occidental Mindoro; San Ramon Prison and Penal Farm sa Zamboanga City; Leyte Regional Prison sa Abuyog, Leyte; at ang Davao Prison and Penal Farm sa Panabo, Davao Province.
Maliban dito, nangangailangan rin ang ahensya ng P400-B para sa planong i-convert ang bahagi ng New Bilibid Prison Reservation bilang BUCOR Global City na target mapagkukunan ng pondo para sa development at modernization plan upang masimulan ang long-term program nito.
Ilan sa mga long-term program ng BUCOR ay ang pagtatayo ng 16 na regional facilities o isang male at isang female facility sa bawat rehiyon sa bansa. –sa ulat ni Tony Gildo, DZME News