Nilinaw ni Senador Francis Tolentino na posible pa rin ang pagpapaliban ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa mga susunod na panahon sa kabila ng ruling ng Korte Suprema laban sa batas na nagpopostpone sa 2022 BSKE.
Ipinaliwanag ni Tolentino na malinaw sa desisyon ng Supreme Court na ang mga susunod na pagpapaliban ng halalan ay dapat na may malinaw na batayan tulad ng public emergency at naglalayong protektahan ang karapatan ng mamamayan.
Binigyang-diin din ng senador na kinikilala ng Korte Suprema ang awtoridad ng Kongreso na gumawa ng batas para sa hold over ng mga incumbent Barangay at SK officials kontra sa argumento ng mga petitioner na maituturing itong ‘legislative appointments.’
Samantala, nasa liderato na ng dalawang kapulungan ng Kongreso partikular sa mga miyembro ng mayorya kung iaapela pa ang desisyon ng Korte Suprema.
Muli rin nitong binigyang-diin na tuloy ang eleksyon sa Disyembre dahil ito ay pinapayagan sa ruling ng Supreme Court. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News