Ikinalugod nina Senador Grace Poe at Senate Minority Leader Koko Pimentel ang pagpapalawig ng sim registration sa loob ng 90 araw.
Sinabi ni Poe na layun ng sim registration ang maisulong ang responsableng paggamit ng sim at matigil ang pang-aabuso ng mga scammers at mga kriminal at hindi nito target na parusahan ang mga lehitimong sim subscribers partikular sa mga remote areas.
Inamin ni Poe na sa kanilang deliberasyon sa batas, ikinunsidera nila kung paano makakatugon sa pagpaparehistro ang may 168-M sim subscribers at inasahan na rin nila ang posibleng extension period upang ma-accommodate pa ang mas maraming user.
Kasabay nito, pinatitiyak ni Poe sa mga telecommunications companies na palalawakin din ang kanilang kampanya upang mas marami pang subscribers ang maabot ng kanilang proseso.
Ipinaalala ni Poe na dahil malaki naman ang kinikita ng mga telco, dapat gampanan nila ang obligasyon na matiyak na makikinabang ang kanilang mga subscribers sa kanilang mga serbisyo.
Hinimok naman ni Pimentel ang mga hindi pa nakakapagparehistro na samantalahin ang extension period para sumunod sa batas.
Umaasa rin si Pimentel na matapos ang 90 araw ay hind na ito madurugtungan pa ng panibagong extension. —sa ulat ni Dang Garcia