Umaasa si Senador Ronald “Bato” dela Rosa na isasama ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang ikalawang State of the Nation Address (SONA) ang pagtalakay sa kampanya kontra iligal na droga.
Nanawagan si dela Rosa sa Pangulo na bigyan ng kahit kaunting pansin ang kampanya laban sa bawal na gamot lalo pa’t marami na ring pulis ang napatay dahil sa muling paglakas ng operasyon ng sindikato.
Para kay dela Rosa dapat na buhayin ang init ng kampanya kontra iligal na droga upang hindi masayang ang nasimulan ng dating administrasyon.
Sa kabila naman ng pagiging malaya ng gobyerno sa kampanya kontra droga sa unang taon nito, pasado pa rin ang grado na ibinigay ni dela Rosa sa Marcos administration.
Marami anyang mga programang naipatupad ang gobyerno para sa kapakanan ng mga Pilipino. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News