Hinamon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga kabataan na pag-ibayuhin ang pag-aaral, magsilbi sa komunidad, at patuloy na tumulong sa mga nangangailangan.
Ito ay kasabay ng pagbati ng pangulo ngayong Araw ng Kabataang Pilipino.
Sa video message, inihayag ni Marcos na buo ang kanyang paniniwala na ang kabataan ang pag-asa at kinabukasan ng inangbayan.
Naniniwala rin ito na magmumula sa kanilang henerasyon ang mga susunod na lider, dahil sa kanilang ideyalismo at walang kapagurang lakas.
Kaugnay dito, hinihikayat ang kabataan na pagyamanin ang kanilang mga talino at talento, at sa hinaharap ay aasahan umano ng publiko ang kanilang pakikiisa sa pagbuo ng isang mas maganda, mas masagana, at mas matatag na Pilipinas.
Tiniyak naman ng pangulo ang buong suporta ng gobyerno sa pagtataguyod sa kanilang kapakanan, at pagtupad sa kanilang mga pangarap para sa sarili man o para sa bansa. —-sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News