dzme1530.ph

Pagpapabalik ng impeachment complaint laban kay VP Sara, bahagi ng political character ng proseso

Loading

Maituturing na political character ng impeachment process ang naging desisyon ng Senado bilang impeachment court na ibalik sa prosecution panel ang reklamo laban kay Vice President Sara Duterte.

Ito ang iginiit ni dating Solicitor General at constitutional law expert Florin Hilbay sa paninindigan na walang mali sa naging aksyon ng mga senator-judges.

Sa pahayag sa Senate Media, sinabi ni Hilbay na ang hakbang ng Senado bilang impeachment court ay ayon sa proseso ng impeachment.

Nais lang naman aniya ng Senado na suriin muli ng Kamara ang Articles of Impeachment upang malinawan na hindi ito paglabag sa “one year ban” sa pagsasampa ng impeachment case sa isang opisyal.

Idinagdag pa ni Hilbay kailangan lamang din sagutin ng Kamara, bilang nagrereklamo, kung ito ay interesado pang ipagpatuloy ang paglilitis kay VP Sara.

Aminado din ang law expert na ang naging pagboto na 18-5 ng senator-judges ay maaaring tingnan na pahiwatig na rin na pulitika ang bumabalot sa kagustuhan na mapatalsik sa puwesto si Duterte.

Sinabi pa ni Hilbay na kung hindi tatanggapin ng Kamara ang ibinalik na Articles of Impeachment, walang magagawa ang Senado kundi ituloy ang paglilitis.

About The Author