dzme1530.ph

Pagpapababa ng presyo ng pagkain at serbisyo, pinatutukan sa economic team

Hiniling ni Senate President Juan Miguel Zubiri sa mga economic manager na tutukan ang pagpapababa sa presyo ng pagkain at singil sa kuryente.

Ayon kay Zubiri, may kaugnayan pa rin ito sa isinusulong niyang P150 across the board wage increase sa buong bansa.

Ipinaliwanag ng senate leader na pareho lamang ang presyo ng pagkain tulad ng bigas sa iba’t ibang lugar sa bansa subalit sa kuryente ay mas mahal pa ang singil sa Mindanao.

Tanong pa ni Zubiri, paano makabubuhay ng pamilyang may limang myembro ang P340 kada araw na minimum wage sa Mindanao.

Para maisakatuparan ang dagdag na sahod na hindi nakakadagdag sa epekto ng inflation tulad ng sinasabi ng economic team, hiniling ni Zubiri na mag-focus ang pamahalaan sa pagpapababa ng singil sa kuryente at pagkain.

Idinagdag pa ni Zubiri na ang mga malalaking conglomerates ay nakakuha ng mataas na net income sa unang kalahati pa lang ng 2023.

Nakausap din niya ang mga malalaking negosyante at taipan, at nagpahayag ang mga ito na kaya nilang ibigay ang dagdag na sahod sa kanilang mga manggagawa. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author