Pina-iimbestigahan na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagpalya ng ilang planta ng kuryente sa Luzon, na nagdulot sa pagde-deklara ng red alert status ng National Grid Corporation of the Philippines sa Luzon Grid.
Ayon sa Department of Energy (DOE), biglaan ang naging pagpalya ng Pagbilao units 1 at 2, at sa ngayon ay pinalalamig pa ang plant system kaya’t hindi pa ito mapasok ng maintenance crew para mainspeksyon at matukoy ang sanhi ng system failure.
Gayunman, sinabi ni DOE Assistant Secretary Mario Marasigan na maaaring bunga ito ng tagas sa boiler tube, o gayundin ng matinding init lalo’t ang ilang planta ay hydro-powered at naka-depende sa tubig.
Nilinaw din ng DOE na walang nakitang problema sa transmission lines, at maituturing din itong outside management control o wala sa kontrol ng power plant operator.
Una nang inatasan ng pangulo ang mga ahensya ng gobyerno na magdoble-kayod upang matiyak ang sapat na suplay ng kuryente lalo na ngayong El Niño.