Naninindigan ang Department of National Defense (DND), na walang violation sa ginagawang pagiikot ng US Military Aircraft sa nangyaring resupply mission sa Ayungin Shoal.
Ayon kay DND undersecretary Ignacio Madriaga, ang US military Aircraft ay walang sandata at maayos na nakipag-coordinate sa Armed Forces of the Philippines (AFP).
Aniya, ang pagpapalipad ng eroplano ng US ay nasa teritoryo ng Pilipinas kaya walang silang nakikitang violation dito.
Nangyari ito matapos itanong ng mga senador na baka magkaroon ng conflict kung may umaaligid na eroplano ng America sa isinasagawang resupply mission sa BRP Sierra Madre.
Naging mainit din ang diskusyon nang magbigay ng pahayag si Sen. Robin Padilla na bakit mga Kano ang kasama sa resupply mission samantalang sa nakalipas na anim na taon ay wala naman.
Pangamba ni Padilla, baka madamay na naman ang Pilipinas sa gusot ng America at China na sa kasaysayan ay palaging nadadamay ang bansa sa giyera ng ibang mga bansa.
Sinagot naman ni Maritime Expert Jay Batongbacal si Padilla na hindi ang Pilipinas o America ang nagpo-provoke kundi ang China. –sa ulat ni Jay de Castro, DZME News