Pinapanukala ni Sen. Raffy Tulfo na ibalik sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH) ang rehabilitasyon at maintenance ng mga pumping station sa Metro Manila, na kritikal sa pagpapabilis ng paghupa ng baha tuwing malalakas ang pag-ulan.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 1168, binigyang-diin ni Tulfo na kasalukuyang nasa DPWH ang mandato at pondo para sa rehabilitasyon ng mga pumping station, habang ang MMDA ang siyang nagbabantay at nagpapatakbo ng mga ito.
Aniya, nagdudulot ito ng pagkaantala sa operasyon dahil dalawang ahensya ang humahawak sa iisang pasilidad.
Iginiit ng senador na mas pamilyar ang MMDA sa aktuwal na kalagayan ng mga pumping station sa kanilang hurisdiksiyon, kaya mas nararapat na sila rin ang magsagawa ng rehabilitasyon kapag kinakailangan.
Dagdag pa ni Tulfo, may sapat na karanasan at direktang presensya ang MMDA sa Metro Manila upang magpatupad ng mas “proactive at responsive” na estratehiya para sa pagpapanatili at pagpapabuti ng mga pumping station, na itinuturing na pangunahing depensa laban sa malalang pagbaha.