dzme1530.ph

PAGMAMANDATO SA MGA OIL COMPANIES NA MAGING TRANSPARENT SA PAGPAPATAW NG PRESYO, IGINIIT

Loading

ISINUSULONG ni Senador Imee Marcos ang panukalang magmamandato ng pagpapalabas ng tunay na presyo ng mga produktong petrolyo.
 
Layun ng Senate Bill No. 2007 ni Marcos na wakasan na ang walang paliwanag na pagtaas ng presyo nito sa merkado.
 
Alinsunod sa panukala, oobligahin ang mga kumpanya ng langis na ilahad ang kabuuan ng presyo—mula sa gastos sa krudo, pagkarga, proseso ng refining, at maging sa buwis at kita.
 
Kailangan itong ilantad nang malinaw sa mga gasolinahan at maging sa online platform, at isumite sa Department of Energy.
 
Hindi anya maaaring hulaan lang kung bakit mataas ang presyo ng produktong petrolyo dahil karapatan ng mamimili malaman ang buong kuwenta, hanggang sa huling sentimo.
 
Sa panukala, dapat may 7-araw na paunang abiso bago ang anumang pagtaas sa presyo, kasama ang malinaw na paliwanag kung saan nanggaling ang dagdag at gaano kalaki ang epekto sa publiko.
 
Nilinaw niya na hindi price control ang kanyang ninanais kundi pagsasaayos sa isang sistemang matagal nang magulo at malabo.
 
Kasabay nito, pinalalakas din ang kapangyarihan ng DOE na magsagawa ng audit, magtakda ng makatwirang pamantayan sa kita, at umaksyon laban sa mga lalabag.

About The Author