dzme1530.ph

Paglusot ng 2 mamahaling sasakyan sa BOC, bubusisiin

Bubusisiin ng Senate Blue Ribbon Committee na pinamumunuan ni Sen. Pia Cayetano ang usapin sa dalawang mamahaling sasakyan na Bugatti Chiron na nakapasok at nakalusot sa Bureau of Customs (BOC).

Ito ay makaraang i-refer ni Senate President Juan Miguel Zubiri sa kumite ang privilege speech ni Sen. Raffy Tulfo sa isyu.

Sa pahayag ni Tulfo ang bawat Bugatti Chiron ay nagkakahalaga ng $3 million at nasa 60 lang na units nito ang makikita sa buong mundo.

Tinukoy ni Tulfo ang isang kulay asul Bugatti Chiron na may plate number NIM 5448 at isang kulay pula na may plate number NIM 5450 na parehong pagmamayari ng mga dayuhan.

Ayon kay Tulfo, nakapasok ang dalawang mamahaling sasakyan nang walang record sa BOC pero ito naman ay nakarehistro sa Land Transportation office.

Gayunman, sa mga dokumentong isinumite sa LTO ay nasilip na mayroong kambal na certificate of payment ang dalawang sasakyan na aabot sa P24.7 million ang bawat isa na pirmado ng customs collector na si Harold Agama at ng examiner na si Rosario de Leon.

About The Author