Hindi na nasorpresa ang Department of Health (DOH) sa pagtaas ng kaso ng pertussis sa bansa, dahil inaasahang bababa rin naman ito sa mga susunod na linggo matapos ang pinaigting na pagbabakuna laban sa naturang sakit.
Ipinaliwanag ni DOH Assistant Secretary Albert Domingo na tumatagal ng apat hanggang anim na linggo matapos ang pagbabakuna, bago magsimulang bumaba ang kaso ng nakahahawang “whooping cough.”
Inihalintulad ni Domingo ang pagtaas ng kaso ng Pertussis sa COVID-19 na nang magkaroon na aniya ng mga bakuna ay nagsimula nang bumaba ang bilang ng mga nagkakasakit.
Idinagdag ng opisyal na bagaman nababahala sila ay hindi na nakagugulat ang paglobo ng pertussis cases, dahil pinaigting na nila ang pagbabakuna, dalawang linggo na ang nakalilipas.