dzme1530.ph

Paglipat sa OVP chief of staff patungong Correctional, saklaw ng kapangyarihan ng Kamara, ayon sa legal expert

Saklaw ng kapangyarihan ng House of Representatives ang paglipat ng detention sa Chief of Staff ni Vice President Sara Duterte na si Atty. Zuleika Lopez patungong Correctional Institute for Women.

Ito, ayon kay Atty. Domingo Cayosa, dating Pangulo ng Integrated Bar of the Philippines (IBP), kasabay ng pagbibigay diin na mandato rin ng Kamara na tiyakin ang kaligtasan at seguridad, pati na ang constitutional rights ng kanilang resource persons.

Ipinaliwanag ni Cayosa na batay sa House rules, kung sa tingin ng Kamara ay hindi nila matitiyak ang kaligtasan ng resource persons bunsod ng reasonable threat, maaari silang mag-request na mailipat ang mga na-cite in contempt para sa mas ligtas na pasilidad, gaya ng Camp Crame, Camp Aguinaldo, at iba pang detention centers.

Sinabi pa ni Cayosa na ang importante ay ginawa ang paglipat nang mayroong valid o reasonable grounds at maipatupad ito nang patas at respetuhin ang karapatan ng resource persons.

Nov. 20 nang i-cite in contempt ng House Committee on Good Government and Public Accountability si Lopez dahil sa pag-iwas sa mga tanong ng mga mambabatas at inatasan itong ma-detain sa loob ng limang araw.

Gayunman, ang hindi awtorisadong pananatili sa Batasang Pambansa Complex ni VP Sara at pagbalewala nito sa visiting rules ang naging dahilan para mabahala ang mga miyembro ng komite at itinuring ito bilang “security risk.”

Nagresulta ito sa pag-iisyu ng transfer order para kay Lopez patungong Correctional noong Biyernes ng gabi, subalit hindi ito naipatupad bunsod ng panghihimasok ni Duterte at sa pagkaka-ospital ng kanyang chief of staff. —sa panulat ni Lea Soriano-Rivera

About The Author