Kinuwestyon ng isang mahistrado ng Korte Suprema ang pagmamadali sa paglipat ng sobrang pondo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa National Treasury para sa mga programang napondohan na.
Ginawa ni Supreme Court Associate Justice Amy Lazaro-Javier ang pagtatanong sa pagpapatuloy ng oral arguments sa petisyon para harangin ang paglipat ng 89.9-billion peso PhilHealth funds sa National Treasury.
Tinukoy ng mahistrado ang PGN Island Bridges Project na aniya ay lumabas na fully funded ng Export-Import Bank of Korea sa halagang ₱174 billion, na tumanggap din ng additional funding noong 2022 at 2023.
Sinabi naman ni Solicitor General Menardo Guevarra na siyang kumakatawan sa respondent agencies sa petisyon na titingnan nila ang naturang projects.
Ipinaliwanag ng SolGen na ang pagmamadali sa paglipat ng pondo ng PhilHealth ay dahil marami ring mga proyekto na nasa ilalim ng unprogrammed appropriations.