dzme1530.ph

Paglilinis sa listahan ng 4Ps beneficiaries, matatapos na sa Setyembre

Inihayag ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na matatapos na sa susunod na buwan ang reassessment o paglilinis sa listahan ng mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

Sa press briefing sa Palasyo, ibinahagi ni DSWD Sec. Rex Gatchalian na mayroong 700,000 pamilyang benepisyaryo ang nakaalpas na sa kahirapan ngunit muli silang naghirap dahil sa epekto ng COVID-19 pandemic.

Mayroon ding bukod na 700,000 na pamilya na hindi na-assess ng ahensya dahil sa mga lockdown.

Iginiit ng kalihim na napagtantong hindi nakaayon sa bagong uri ng kahirapan bunga ng pandemya ang kanilang proxy means test o pagsusuri kung maaaring pumasok o maaari nang gumraduate sa 4Ps ang isang pamilya.

Kaugnay dito, sinabi ng DSWD chief na ginagamit na nila ngayon ang tinatawag na Social Welfare and Development Indicators (SWDI) na bukod sa scoring system ay mayroon ding emotional quotient.

Naniniwala si Gatchalian na kapag natapos na ang reassessment sa listahan ng 4Ps beneficiaries ay magagamit na nila ng buo ang pondo para sa 4Ps sa harap ng underspending.

Ito rin ang magtitiyak na masasala ng mabuti ang mga makakasama sa 4Ps. –sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News

About The Author