Hindi dapat kunsintihin ang gawaing lumalapastangan sa Diyos at sa batas.
Ito ang pahayag ni Senate Majority Leader Joel Villanueva kasunod ng viral video ng performance ng isang drag queen.
Sinabi Villanueva na sa mata ng Diyos at sa batas, hindi katanggap-tanggap ang naturang gawain.
Ang nangyari anya ay malaking insulto at paglapastangan sa Diyos lalo na’t ginamit pa ang Kanyang salita sa ngalan ng entertainment.
Sinabi ng senador na hindi kailanman dapat i-tolerate o pahintulutan ang pambabastos at paglapastangang ito sa ating Panginoon kasabay ng pagbibigay-diin na hindi maituturing na “art” ang gawing katatawanan ang Salita ng Diyos.
Idinagdag pa ng mambabatas na hindi lahat ng gusto nating i-express ay gagawin natin sa isang entablado nang walang kahit katiting na responsibilidad.
Hindi anya dapat tao ang mag-a-adjust sa isang gawaing nagpapakita ng tahasang kawalan ng respeto.
Ipinaalala ni Villanueva na ang gawaing nagreresulta sa mockery o pangungutya sa pananampalataya ng isang indibidwal o grupo sa kanilang mga religious belief at practices ay paglabag sa Article 201 ng Revised Penal Code at ang pananagutan sa batas ay walang pinipiling kasarian. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News