Inirekomenda ni Senador Raffy Tulfo sa Senate Committee on Public Services na ipatigil muna ang paglalayag ng mga motorized passenger boats na gawa sa wooden hull.
Sa pagdinig ng kumite kaugnay sa paglubog ng motor banca sa Laguna de Bay sa bahagi ng Binangonan, Rizal, iginiit ni Tulfo na dapat munang ipagpaliban ang paglalayag ng mga passenger boat na gawa sa wooden hull na dapat ay phase out na.
Ito ay upang isailalim muna sa pagsusuri ng mga engineer ng Marina ang seaworthiness ng mga bangka upang hindi na maulit ang insidente.
Ibinunyag din ni Tulfo ang nakarating sa kanyang kalakaran sa Marina sa pag-iisyu ng mga safety clearance certificate sa mga motorbanca na tinawag niyang I-sobre mo (I-SM).
Sa opening statement naman ni Sen. Grace Poe, sinabi nito na target nila sa imbestigasyon na una kung seaworthy ang MB Aya bago ito lumayag noong July 27; pangalawa, kung nagkaroon ng pre-departure inspection para matiyak nagcomply sa safety standards ang bangka; pangatlo, meron nga bang kakulangan sa batas na magbibigay liability sa shipowner at boat captain kapag nagkaroon ng mga insidenteng tulad nito; ikaapat, kabilang sa seaworthiness ng isang bangka ay ang pagkakaroon ng competent na vessel crew, may isinasagawa bang training o emergency preparedness seminar para sa mga crew at panghuli, may proper coordination ba ang Coast Guard sa weather bureau. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News