dzme1530.ph

Pagkuwestyon ni Mayor Biazon sa pagtanggal ng sapatos sa security screening sa NAIA, nirerespeto ng OTS

Nirerespeto ng Office for Transportation Security (OTS) ang pagkuwestyon ni Muntinlupa City Mayor Ruffy Biazon sa pagtaggal ng sapatos ng mga pasahero sa final security screening sa mga paliparan sa bansa.

Ayon kay OTS Administrator Usec. Mao Aplasca, ginagalang nito ang naging opinyon ng alkalde at tiyak aniya na mauunawaan din ni Mayor Biazon ito kung siya ang mamamahala sa OTS.

Tumanggi namang idetalye ni Aplasca sa publiko ang mga security policy at procedures na isa sa mga dahilan kung bakit kailangan alisin ang mga sapatos ng mga pasahero sa tuwing dumadaan sa final security check point sa paliparan partikular sa NAIA terminals.

Binigyang-diin din ni Aplasca na matagal nang ipinaiiral ang nasabing patakaran at nitong nakaraang linggo lamang ng maghigpit ang ahensya na implementasyon nito upang matiyak ang seguridad ng air riding public.

Sinisikap din naman aniya ng OTS na gawing balanse at maginhawa ang paglalakbay ng mga pasahero. —sa ulat ni Tony Gildo, DZME News

About The Author