![]()
Hinimok ni Sen. Bam Aquino ang Department of Education na bigyang prayoridad ang agarang pagkukumpuni at pagpapagawa ng mga silid aralan na nasira ng mga bagyo at lindol upang matiyak ang ligtas na pagpapatuloy ng pag-aaral ng mga estudyante.
Ayon sa ulat ng DepEd, nasa 5,000 paaralan sa iba’t ibang rehiyon ang nasira sa lindol, karamihan ay sa Central Visayas, Davao Region at Negros Island Region.
Bukod dito, mahigit 5,000 silid aralan din ang nagtamo ng iba’t ibang pinsala dahil sa mga Bagyong Tino at Uwan sa iba’t ibang panig ng bansa.
Nanawagan din si Aquino, chairperson ng Senate Committee on Basic Education, sa DepEd na makipagtulungan sa mga local government unit (LGU) upang mapabilis ang pagkukumpuni at pagpapatayo ng mga silid aralan para makabalik agad sa paaralan ang mga estudyante.
Batay sa datos mula sa mga lokal na opisyal, binigyang diin niya na sa Infanta, Quezon pa lamang, nasa 1,000 silid aralan ang napinsala, habang ang buong lalawigan ng Quezon ay kulang pa ng halos 3,400 silid aralan.
Sinabi ni Aquino na inaprubahan ng Senado ang pagtaas ng pondo para sa pagpapatayo ng mga silid aralan mula ₱13 bilyon patungong ₱68 bilyon na sapat para makapagtayo ng 26,000 hanggang 30,000 silid aralan.
