Tinawag ni Sen. Francis Tolentino na kabastusan ang pinakahuling pahayag ni China Coast Guard spokesperson Gan Yu hinggil sa resupply mission ng gobyerno sa mga tropa na nakatalaga sa BRP Sierra Madre.
Una nang sinabi ni Yu na sinasadya at nakagagalit ang hakbang ng Pilipinas na paglabag din sa soberanya, karapatan, at interes ng China.
Imbitasyon din aniya ng kahihiyan ang ginagawa ng Pilipinas na mag-resupply sa ating mga tropa sa Ayungin Shoal.
Sinabi ni Tolentino, chairman ng senate special committee on maritime and admiralty zones na hindi layunin ng pamahalaan na ipahiya ang kahit na sino lalo na ang sarili nating bansa na ang misyon lamang ay maghatid ng supply sa ating mga tropa sa Ayungin Shoal.
Tungkulin anya ng gobyerno na ibigay ang mga pangangailangang supply ng tropa ng mga sundalo na nagbabantay sa seguridad ng ating teritoryo.
Kasabay nito nagpahayag ng pagkabahala si Tolentino sa muling pagharang at pag-atake ng dalawang barko ng China Coast Guard sa resupply boat na kinomisyon ng AFP.
Sa kabila nito, tiniyak ng senador na patuloy magsasagawa ang gobyerno ng resupply mission sa ating mga tropa na nakatalaga sa BRP Sierra Madre.