dzme1530.ph

Pagkamit ng hustisya, tanging motibo sa pagharap ni Kerwin Espinosa sa pagdinig ng Kamara

Handang talikuran ni Kerwin Espinosa ang ambisyong sumabak sa pulitika kapalit ng hustisya sa pagkamatay ng kanyang ama na si Mayor Rolando Espinosa ng Albuera, Leyte.

Ito ang tugon ni Kerwin sa pag-usisa ni Santa Rosa, Laguna Rep. Dan Fernandez ukol sa motibo nito na lumantad at baliktarin ang lahat ng sinumpaan nitong salaysay sa Senado noong 2016.

Tahasang sinabi ni Fernandez, co-chair ng QuadCom, na hindi pa nila lubos na pinanini-walaan ang affidavit ni Kerwin dahil posibleng makasira ito sa imahe ng Quad Committee.

Puwede umanong samantalahin ni Kerwin ang pagharap sa komite para sa pagsabak nito sa political race na umaming nag-file ng COC bilang mayor ng Albuera.

Mabilis namang sinagot ni Kerwin ang mambabatas na prayoridad niya ang paghahanap ng hustisya sa kanyang ama, at handa siyang bawin ang COC.

Sa hiwalay na pag-usisa ni Zambales Cong. Jeffrey Khonghun, tinanong nito si Kerwin kung bakit siya biglang lumutang matapos magsumite ng COC.

Inamin naman ng self-confessed drug lord na naengganyo siya sa mga nagdaang pagdinig ng Quad Comm nang makitang marami nang lumabas na mga biktima ng EJK, kaya naglakas loob na rin ito na ilabas ang kanyang naging karanasan. —sa panulat ni Ed Sarto

About The Author